SA panibagong “pasabog” ni former Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co, mas lumilinaw na ingay lang ang pakay ng dating kongresista.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia ang pagdawit sa pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos at sa kapatid na si Martin Araneta sa rice at onion cartel.
Bukod sa asawa at bayaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kinaladkad din ni Co si presidential son at kasalukuyang House Senior Majority Leader Sandro Marcos sa naturang kontrobersiya.
Ngunit tulad ng dati, walang ebidensyang iniharap si Co, at agad na itinuro ng mga opisyal ang mga butas sa kanyang kwento.
Para kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., isang “total baloney” ang script na aniya’y nababagay sa Netflix. Paglilinaw ni Goitia, ang totoo lang sa mga sinabi ng dating mambabatas ay ang pagtalakay sa pagbaba ng rice import tariff — isang mungkahing matagal nang pinag-uusapan ng iba’t ibang opisyal, at hindi ideya ni Co.
Sa katunayan, zero tariff ang rekomendasyon ni Co, hindi 15 percent. Mariin din itinanggi ni Tiu Laurel ang mga paratang tungkol sa umano’y manipulasyon at pagkakasangkot ng pamilya ng First Lady, kasabay ng giit na “definitely baloney” ang lahat ng akusasyon sa bigas, sibuyas, isda, at asukal.
BINTANG KAY FL
Sa kanyang video, iginiit din ni Co na umano’y “nag-utos” si Sandro Marcos ng humigit-kumulang P51 bilyon na budget insertions mula 2023 hanggang 2025 — isang paratang na mariing pinabulaanan ni Sandro.
Ayon sa anak nI Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pawang kasinungalingan ang sinasabi ng former congressman na posibleng bahagi ng “destabilization plot” laban sa administrasyon.
Naglapat din si Co ng panibagong kwento tungkol sa umano’y buwanang remittance na umano’y utos ni dating Speaker Martin Romualdez, ngunit muli, walang ipinakitang dokumento, mensahe, petsa, o anumang patunay.
“Ang paratang na walang ebidensya ay hindi whistleblowing. Ito ay panlilinlang, at nagiging delikado kapag binibigyan ang publiko ng maling impormasyon,” wika ni Goitia.
UTAK-KRIMINAL
Kamakailan lang inamin ng Pangulo ang umano’y tangkang blackmail umano ni Co, bagay na agad sinopla ng punong ehekutibo.
“I do not negotiate with criminals.”
Sa Kongreso, mariin din tinuligsa ang mga pahayag ni Co. Sa kanyang opisyal na pahayag, muling nanindigan ang batang Marcos laban sa mga paratang ng “politikong wala maski katiting na kredibilidad.”
Aniya, malinaw na nais lamang ni Co na guluhin ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga kasinungalingan habang nagtatago sa batas sa ibang bansa.
Tinawag pa niya si Co na “isang kriminal na umiiwas sa pananagutan — hindi isang crusader.”
“Kung tunay ang hawak mong katotohanan, humarap ka sa batas. Huwag kang maglabas ng video mula sa’yong pinagtataguan,” hamon ni Goitia sa dating kongresista.
KWENTONG RECYCLE
Sa mga naunang pahayag, kapuna-puna rin ang pabago-bagong kwento ni Co — kabilang ang umano’y paghahatid ng pera at giit na wala maski magkanong tinanggap.
“Ngayon naman ay may bago na naman siyang idinadawit na pangalan — ngunit hindi pa rin maka paglabas ng dokumento, petsa, mensahe, o anumang rekord na magpapatunay sa kanyang mga alegasyon.”
“Kapag pabago-bago ang kwento pero hindi lumalabas ang ebidensya, gumu-guho ang kredibilidad,” sambit ng lider-sibiko.
SA TOTOO LANG
Hanggang sa ngayon, wala pa rin inilalabas si Co na dokumento, direktiba, mensahe, o saksi. Habang mas nagiging dramatiko ang kanyang mga video, hindi naman tumitibay ang kanyang mga pahayag.
“Ang katotohanan ay hindi umiiwas sa pagsusuri. Hangga’t walang inilalahad na ebidensya sa ilalim ng panunumpa, kwento lamang ang mga ito — hindi katotohanan,” ani Goitia.
At dahil walang maipakitang pruweba at taliwas sa mga opisyal na pahayag, nauuwi rin ang panibagong paratang ni Co sa parehong dulo ng nauna niyang mga kwento — “Ingay na walang ebidensya.”
Si Goitia ay higit na kilala bilang punong tagapagtaguyod ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
