MANANATILING dominant party sa Kamara ang Lakas – Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa pagsisimula ng termino ng mga kongresista sa ilalim ng 20th Congress matapos ang sabayang pagsabi ng mga bagong halal na opisyales mula sa lalawigan ng Davao de Oro.
Personal na pinangasiwaan ni House Speaker Martin Romualdez, na tumatayong presidente ng Lakas-CMD, ang panunumpa nina Rep. Jhong Ceniza ng ikalawang distrito ng Davao de Oro at Davao de Oro Gov. Raul Mabanglo para sa pormal na pagsanib niya sa Lakas-CMD.
Hindi naman nagpaiwan ang iba pang lokal na opisyales mula sa naturang lalawigan na kasabay na nanumpa ng katapatan sa partido — Davao Del Norte 1st District Rep. Oyo Uy, Cagayan 3rd District Rep. Jojo Lara at Mayor Mark Anthony Libuangan ng Laak, Davao de Oro
Kabilang rin sa mga nagpasyang sumapi sa lapian ni Romualdez si Valenzuela 2nd District Rep. Gerald Galang.
Sa kabuuan, pumalo na sa 110 kongresista ang kasapi ng Lakas-CMD.
Sa pagpasok ni Mabanglo sa dominanteng partidong pampulitika sa bansa, umakyat na sa 16 gobernador ang sumapi na sa Lakas-CMD. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
