SA gitna ng kontrobersiya, sinuspinde ng Palasyo ang Manila Bay reclamation projects na iginawad ng pamahalaan 22 pribadong kumpanya sa hangaring bigyan-daan ang metikulosong pagsusuri sa posibleng epekto ng naturang proyekto sa kalikasan.
Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Gonzaga, bahagi ng proseso ang pagsusuri ng mga kontrata at isinumiteng dokumento ng mga pribadong kumpanya, kabilang ang China Harbour Engineering Company Limited na kabilang sa 60 subsidiaries ng China Communications Construction Co. (CCCC).
Paliwanag ni Yulo-Gonzaga, target ng Manila Bay reclamation cumulative impact assessments na pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na tukuyin ang epekto ng proyekto sa Manila Bay at mga karatig na lokalidad.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendido ang reclamation projects sa Manila Bay maliban sa isang kumpanya. Gayunpaman, wala nang iba pang detalyeng ibinahagi ang punong ehekutibo.
Pagtitiyak ng Kalihim, agad-agad na ipapamahagi ng DENR ang sipi ng suspension order sa kumpanyang ginawaran ng kontrata ng nakalipas na administrasyon.
Hindi sinabi ni Yulo-Gonzaga kung gaano katagal ang bisa ng suspensyon subalit nakakasiguro aniya ang mga pribadong kumpanya na itutuloy ang proyekto sa sandaling tumalima sa mga kondisyones na ilalatag ng pamahalaan.