SA gitna ng matinding pagsubok, kasalanang mortal ang ibaon sa utang ang mga mamamayan.
Ito ang buod ng mensahe ni Senador Mark Villar, kasabay ng panawagan gawing permanente ang pagbibigay ng “financial breathing room” para sa mga manggagawa, gayundin sa hanay ng mga maliliit na negosyante.
Sa ilalim ng Senate Resolution 2032, partikular na isinusulong ni Villar ang panukalang “RELIEF Act” ang pagpapatupad ng loan moratorium, grace period at condonation ng penalty sa mga financial institutions ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Villar ang pag-unlad ng Government Service Insurance System (GSIS) sa paglalatag ng relief initiatives, ngunit humiling ang mambabatas ng mas malalim na pagsusuri psts sa sustainability ng programa.
“Can GSIS update us on its Balik-Ginhawa program? Ilan na sa mga member ang nag-avail at ano ang naging epekto nito sa fund health ng GSIS?” tanong ni Villar sa ginanap na hearing.
Bilang tugon, ipinaliwanag ng GSIS na agad na nagpatupad ang ahensya ng mga programa para sa kapakanan ng mga miyembro. Sa kasalukuyan, may kabuuang P8.3 bilyon na ang ipinamahagi sa mga kwalipikadong miyembro, na katumbas ng 1.085 (eligible) milyong loans.
Sa kabilang banda, nang tanungin tungkol sa kanilang mga crisis intervention programs, inihayag ng Social Security System (SSS) na pinapayagan na ang mga miyembro na kumubra ng calamity loan bilang agarang tulong. Gayunpaman, hinimok ni Sen. Villar na gawing bahagi ang mga kahalintulad na programa ng isang mas malawak at mas agresibong recovery framework.
Layunin ng panukalang RELIEF Act na palawigin ang tulong sa pamamagitan ng grace period sa upa, loan restructuring, at access sa low-interest credit upang protektahan ang mga MSME—na itinuturing na pundasyon ng trabaho sa bansa.
Binigyang-diin sa naturang pagdinig na ang mga financial safeguards ay dapat maging “proactive” sa halip na “reactive.” Sa pag-uutos sa mga ahensya tulad ng SSS, Pag-IBIG, Landbank, at DBP na magbigay ng mga concession, layon ni Villar matiyak na ang mga serbisyong panlipunan ay mananatiling accessible at abot-kaya para sa lahat ng Pilipino.
“Kung kaya pa, sana dagdagan pa natin ang mga benefits para sa ating mga taxpaying workers… especially.”
