NASA 25 gasoline stations ang nasampolan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ikinasang “fuel-marking enforcement drive” na naglalayong tiyakin na bayad ang buwis ng binebentang petrolyo sa merkado. Sa kalatas ng BIR, nasa 65 gasolinahan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon ang isinailalim sa pagsusuri. Sa naturang bilang, 25 ang nabuking na nagbebenta ng gasolina at diesel na hindi dumaan sa “fuel marking.” Ayon sa BIR, nagsimula ang operasyon noong Agosto 17, kung saan isinailalim sa inventory ang mga apektadong petrolyo at pansamantalang sinelyuhan ang mga dispensing pump na bagsak na resulta sa field testing. Paliwanag ng kawanihan, ginagamit ang fuel marking para matukoy ang posibleng tax non-compliance sa gasolina, diesel at kerosene. Sa mga bawat paglabag, magpapataw ng parusa at multa ang ahensya, bukod pa sa posibilidad na kanselahin ang lisensya sa pagbebenta. Garantiya ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, tuloy-tuloy ang fuel-marking operation ng kawanihan, kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan.. “This is not a one-time operation. We will continue using Fuel Marking and our other enforcement tools wherever the risk of tax leakage is high, and we will expand these operations to other parts of the country,” ani Mendoza. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation P10K dagdag-sahod, hirit para sa mga guro