PARA kay Senador JV Ejercito, napapanahon nang suklian ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga guro mula sa mga pampublikong paaralan.

Sa bisa ng Senate Bill 335 (Dagdag-Sweldo PAra sa mga Guro Act), partikular na isinusulong ni Ejercito ang tumataginting na P10,000 dagdag sa buwanang sahod ng mga guro — baguhan man o matagal na sa serbisyo.

Paliwanag ni Ejercito, hindi biro ang papel ng mga guro sa pagtuturo sa mga kabataang habang sinasagupa ang kahirapan.

“Araw-araw, hindi lang pagtuturo ang ginagawa ng ating mga guro. Naghahanda sila ng lessons, nagche-check ng mga papel, gumagawa ng reports, at higit sa lahat, inaalagaan at ginagabayan nila ang ating mga estudyante. Nakikita natin ang kanilang pagod at sakripisyo,” ani Ejercito.

Aniya, nararapat lang pagkalooban ng mas magandang sahod ang mga guro para tiyakin ang pananatili sa trabahong katapat ng tinapos na kurso.

“Hindi madaling maging guro. Malaki ang responsibilidad nila, pero madalas ay malaki rin ang sakripisyong kailangan gawin para matupad ang kanilang tungkulin. Kaya panahon na para mas ipakita natin ang ating pagpapahalaga sa kanila sa pamamagitan ng dagdag-sahod.” 

Kumbinsido rin ang mambabatas na higit pang paghuhusayan ng mga guro ang pagtuturo kung hindi binabagabag ng problema kung saan kukuha ng karagdagang kita para sa pamilya.

“Hindi natin makakamit ang de-kalidad na edukasyon kung ang mga taong nasa frontline nito ay patuloy na nahihirapan sa kanilang kabuhayan,” aniya pa.

Panawagan ng senador sa Kongreso, ipadama sa mga guro ang pagpapahalaga sa bisa ng dagdag-sahod.

“Para sa ating mga guro, alam namin hindi matutumbasan ng anumang halaga ang inyong sakripisyo. Pero nais nating ipakita na hindi namin kayo nakakalimutan,” pahabol ni Ejercito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *