MULING umarangkada ang pambabarako ng bansang China sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone. Ang resulta — tatlong Pinoy ang sugatan matapos gamitan ng water cannon ang nasa 20 bangkang pangisda sa Escoda Shoal.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela, nasa maayos na ang kalagayan ng mga mangingisdang Pinoy matapos bombahin ng tubig ng Chinese vessels sa gitna ng karagatan.
Anang tagapagsalita ng bantay-dagat, isinakay sa barko ng PCG ang mga sugatan, habang inilipat naman sa ibang bangka ang mga tripulante ng dalawang nasirang bangka.
Sa kabila ng naturang insidente, patuloy pa rin naman aniya ang pangingisda ng mga Pilipino sa West Philippine Sea — pero kasama ang PCG para tiyakin ang kaligtasan ng mga Pinoy na tanging pangingisda ang kabuhayan.
“Nakakapangisda pa naman nang maayos ngayon, although there are also presence of the Chinese Coast Guard. Pero based on the statements ng ating mga kababayang mangingisdang Pilipino, kapag nandyan ang Philippine Coast Guard, they feel like more secured,” ani Tarriela.
Siniguro rin ng opisyal na mananatili ang PCG vessel kasama ang mga mangingisda sa lugar hangga’t kailangan. (EDWIN MORENO)
