SA gitna ng usap-usapan sa planong pagpapatalsik kay House Speaker Faustino Dy III, ipinagikbit-bakilat lamang ng bilyonaryong kongresista ang umano’y napipintong kudeta sa Kamara.
Ayon kay Bacolod City lone district Rep. Albee Benitez, walang dahilan para palitan ang liderato ng Kamara, kasabay ng giit na suportado ng tinaguriang Visayan bloc ang liderato ni Dy.
Tahasang sinabi ni Benitez, ang tinitingalang pinuno ng Visayan bloc o samahan ng mga kongresista mula sa Visayas region, nanatili ang malawak at matibay na suporta ng House members sa Isabela province lawmaker bilang tagapamuno ng mababang kapulungan.
“If you noticed, Speaker Dy was endorsed by the Mindanao, Luzon, Metro Manila and the Visayas bloc. So, there is a general support, strong support to the newly elected speaker, Bojie Dy,” pahayag pa ng Bacolod City solon.
Si Benitez ay kabilang sa lumagda sa isang manipestong nagpapahayag ng suporta sa pagkakahirang kay Dy bilang House Speaker matapos ang pagbitiw ni Leyte Rep. Martin Romualdez bilang pinuno ng Kamara.
“The first thing is to rally behind our leader. Moving forward, dapat lahat muna tayo eh isantabi muna ang disunity.
Sa panahon aniyang nahaharap sa malaking hamon ang bansa, partikular sa isyu ng transparency at accountability at nag-aalab na galit kontra katiwalian sa gobyerno, dapat lamang na manatili ang paninindigan ng mga mambabatas sa liderato ni Dy.
Hindi rin aniya angkop na magmula pa sa kanilang hanay ang pagkakawatak-watak ng Kamara. (ROMER R. BUTUYAN)
