AMINADO ang pamunuan ng Kamara na lubhang nabalahura ang partylist system na dapat sana’y magsilbing tinig ng mga abang sektor ng lipunan.
Sa isang kalatas, nagpahayag si House Speaker Faustino Dy ng kahandaan pangunahan ang reporma sa partylist system sa hangaring palakasin ang boses ng mga tunay na manggagawa, kabataan, kababaihan, may kapansanan at iba pang sektor.
“Kung tunay nating nais na mas mapakinggan ang boses ng manggagawa, kailangan din nating tiyakin na ang mga mekanismong ginawa para sa inyo ay gumagana nang tama, Dito po pumapasok ang isa pang mahalagang reporma na isinusulong ng ating Pangulo — ang pag-ayos ng ating party-list system,” wika ni Dy sa ika-50 anibersaryo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
Ayon kay Dy, ang pagsusulong ng reporma sa partylist system ay bahagi ng malawak na hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapatatag ang demokrasya sa bansa.
Matatandaan na sa isinagawang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) kamakailan, ay iniatas ni Presidente Marcos ang nasabing pagbabago.
“Sa huling pagpupulong ng LEDAC sa Malacañang, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr: pabilisin ang pagpasa ng mga repormang magpapatatag sa ating demokrasya,” sambit pa ng lider ng Kamara.
Giit ng Isabela solon, ang partylist reform ay kabilang sa priority measures ng Punong Ehekutibo kung saan kabilang dito ang pagsusulong ng Anti-Political Dynasty Bill, ang Independent People’s Commission Act, at ang tinatawag CADENA Act, na naglalayon palakasin ang transparency at accountability sa public finance.
Ayon kay Dy, lumakas ang panawagang pagbabago sa partylist system dahil sa paglipas ng panahon ay unti-unti na umanong nalilihis sa kung ano ang tunay nitong layunin, alinsunod sa Saligang Batas at hindi na rin umano nagiging boses ng tunay na nabibilang sa bulnarableng sektor.
“Kaya ang gusto po nating ibalik ay isang sistemang tapat sa diwa ng batas: representation that is real, authentic and sector-based.” (ROMER R. BUTUYAN)
