
UNTI-UNTING gumuguho ang kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., kaugnay ng mahabang talaan ng pamamaslang – kabilang ang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ayon kay Atty. Danny Villanueva, binawi na rin ng tatlo pang testigo ang kanilang testimonya – sina Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan at Dahniel Lora.
“We have submitted already, not only the affidavit of recantation of Mr. (Osmundo) Rivero, but as well as those of our three other clients,” sambit ni Villanueva na tumatayong abogado ng mga akusadong nagnguso kay Teves bilang utak ng pamamaslang kay Degamo at iba pa sa lungsod ng Bayawan sa Negros Oriental noong Marso 4.
Ayon sa bagong testimonya nina Antipolo, Pattaguan at Lora, pinuwersa lamang di umano sila ng Public Attorney’s Office (PAO) na pirmahan ang salaysay para hindi na pahirapan ng mga pulis.
Pinagbantaan din ani Villanueva ang mga akusado na idadamay ang kani-kanilang pamilya kung hindi makikipagtulungan sa gobyerno.
Itinanggi rin ng tatlo ang pagpatay kay Degamo.
“He cooperated (to government) by affixing his, reluctantly not voluntarily, he affixed his signature on those affidavits allegedly confessing to his involvement not only in the planning an exaction as well as to the recruitment of the members of the assault team,” ayon kay Villanueva.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, nananatiling malakas ang ebidensya laban sa mga akusado – kabilang si Teves.
Aniya pa, inaasahan na niyang babawiin ng anim hanggang pitong suspek na bigla di umanong nanahimik sa utos ng sumulpot na abogado.