HINDI pa man ganap na natatapos ang isinasagawang imbestigasyon sa mga pulis na pinaniniwalaang sangkot na kalakalan ng droga, sisilipin na rin ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang reklamo kaugnay naman ng pambuburiki sa insentibo sa hanay ng pulisya.
Partikular na tinukoy ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang service recognition incentive (SRI) bonus na natanggap ng kanyang mga kabaro sa serbisyo.
Ayon kay Acorda, nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa iba pang ahensyang makakatuwang sa imbestigasyon kaugnay ng ‘ninuputang insentibo.’
Nakatakda rin ipatawag ng PNP Command Group ang mga inireklamong opisyal para magpaliwanag sa alegasyon ng mga dismayadong pulis.
Para kay Acorda, kasalanang mortal ang pagkakait – kung hindi man pangungupit – ng biyayang sadyang inilaan sa mga kasama sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa mga lansangan.
“Dapat makuha ng mga pulis ang nararapat na bonus dahil bahagi yun ng kanilang pagseserbisyo.”
Batay sa mga reklamong inilabas sa social media ng mga dismayadong pulis, P4,000 lang ang kanilang natanggap noong Disyembre ng nakalipas na taon – malayo sa P20,000 na itinakda sa ilalim ng Administrative Order No. 1 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.