
SA kabila ng dokumentasyon ng ilang international at local human rights groups, itinuturing ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na pawang fake news ang 30,000 biktima ng war on drugs ng dating administrasyong Duterte.
Sa kanyang pangangampanya sa Norte kamakailan, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na chief implementer ng war on drugs na ginagamit ang naturang datos laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakakulong ngayon si Duterte sa International Criminal Court (ICC) matapos dakpin ng International Police Organization (InterPol) sa kasong Crimes against humanity dulot ng madugong war on drugs.
“Yung sinasabi nila ng 30,000 kuno na namatay… ‘yon lahat-lahat ay fake news,” ayon kay Dela Rosa sa kanyang speech sa PDP Laban grand rally sa Mangaldan, na mahigpit na nagtatanggol sa anti-drug campaign bilang hepe ng Philippine National Police.
Aniya, tinatayang aabot lamang sa 6,200 ang recorded na napatay sa Oplan Tokhang kabilang ang mga menor de edad tulad ni Kian Delos Santos.
“Sino sa inyo ang hindi nasaktan nung pinilit na dalhin si Pangulong Duterte doon sa ibang bansa? Lahat tayong nasaktan. Hanggang ngayon, lahat tayong nagluluksa,” aniya.
Inamin din ni Dela Rosa na maraming pulis na umabuso sa anti-drug operations pero iginiit na pawang isolated case ang nangyari na tinutukan naman ng pusliya.
Kinuwestiyon niya ang kritiko na humingi ng tulong sa ICC na pawang ay mas malaking political agenda sa bansa.
“May malaking plano sila para makuha ang poder ng ating gobyerno,” aniya.
Aniya, inilunsad ni Duterte ang war on drug hindi para sa sarili.
Ngunit, itinuturing naman ng ilang kritiko na walang-saysay ang Oplan Tokhang dahil walang nadakip na bigtime drug lords.
“Hindi kami nag-wage ng war on drugs para yumaman. Ginawa namin ito para masalba ang kinabukasan ng ating mga kabataan,” aniya.
Sinabi pa ni Dela Rosa na may pagkakataon na lumalakas ang impluwensiya ng drug lords sa local elections na nagbabadya ng pagiging narco-state ng Pilipinas.
“Meron na tayong mga lugar noon na kinokontrol ng mga drug lord—sila ang nagdedesisyon kung sino ang magiging mayor, gobernador, congressman,” aniya.