November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

MARCOS KINONTRA NG SARILING GABINETE

NI LILY REYES

TALIWAS sa inihayag na posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nagpamalas ng siento-por-syentong suporta sa isinusulong na Charter Change (ChaCha) ng Kamara ang mga taong hinirang niya sa mga sensitibong pwesto sa gobyerno.

Pag-amin ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na tumatayong chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, suportado ng mayorya sa hanay ng mga miyembro ng Gabinete ni Marcos ang isinusulong na amyenda ng Kamara sa 1987 Constitution.

Bago pa man umarangkada ang panukalang ChaCha sa Kamara, nilinaw ni Marcos na hindi prayoridad ng administrasyon ang pag-amyenda sa Saligang Batas. 

Katwiran ng Pangulo, papasok ang mga dayuhang kapitalista – may ChaCha o wala.

Bagamat amyenda sa ‘economic provisions’ ng 1987 Constitution lang ang suportado ng mga miyembro ng Gabinete, kumbinsido Rodriguez na malaking bentahe ang pahayag ng suporta ng mga economic managers ng administrasyon.

“We are encouraged by the statements/position papers of members of the President’s economic team and of the Cabinet who share our desire and goal for the country to attract more foreign investments through economic reform in the Constitution,” ani Rodriguez.

Kabilang sa mga economic managers na aniya’y nagtutulak na amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas sina Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual at National Economic and Development Authority Director-General Alfredo Balisacan.

Pasok din sa talaan ng mga Kalihim na naniniwala sa kanilang itinutulak na ChaCha sina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.

Maging ang  Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na pinamumunuan ni  Quirino Gov. Dakila Cua, nagpahayag din umano ng suporta sa Cha Cha.

“Economic team of former President Rodrigo Duterte, led by then finance secretary Carlos Dominguez, had likewise backed efforts to change the Charter’s economic provisions.”