KUMPARA sa mga nakalipas na halalan, bumaba ang bilang ng mga lugar na pasok sa kategorya ng “election hotspot,” ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa isang pahayag, isiniwalat ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang nasa 37 lugar na aniya’y mahigpit na babantayan para tiyakin ang maayos at mapayapang halalan.
Pag-amin ni Remulla, pinakamarami sa talaan ng election hotspots sa gawing katimugan ng bansa. Partikular na tinukoy ng Kalihim ang 28 lugar na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Meron din aniya sa Luzon at Visayas — sa Central Luzon at maging sa 3rd at 4th District ng Leyte.
Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na mas kaunti ngayon ang mga lugar na babantayan ng pamahalaan kumpara sa bilang ng election hotspots na natukoy noong 2022 Presidential elections.
Kumbinsido rin ang opisyal na magiging maayos at mapayapa ang nalalapit na halalan sa Mayo.
Buwan ng Setyembre nang atasan ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil ang mga regional, provincial, city at municipal police chiefs na suriin ang nasasakupan para matukoy ang election hotspots sa lokalidad na binabantayan.
Sakali aniyang meron, nagpahayag ng kahandaan ang DILG na magpadala ng karagdagang tauhan kung kinakailangan para maiwasan ang karahasan sa nalalapit na halalan. (Lily Reyes)
