
KUNG pagbabatayan ang rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na kathang isip lang ang Mary Grace Piattos na ginamit sa liquidation report ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability chairperson at Manila Rep. Joel Chua, natanggap na ng komite ng sertipikasyon mula sa PSA na nagsasabing walang birth, marriage o death certificate na may pangalang Mary Grace Piattos.
Gayunpaman, nilinaw ng PSA na posible pa rin palawigin ang pagsasaliksik kung magagawa ng komite isumite ang pangalan ng magulang (kung meron man) ng taong pinapahalukay ng Kamara.
“However, if additional information such as the name of parents of the subject, date and place of vital event can be provided, we can search further and be able to ascertain whether the civil registry document is available in the database,” saad sa isang bahagi ng sertipikasyon na pirmado ng National Statistician and Civil Registrar General.
Bumida ang pangalan ni Piattos na di umano’y nakalagda sa acknowledgement receipt na patunay na natanggap ang bahagi ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.