ISANG araw bago ang takdang ultimatum ni ibinigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., binuking ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang taktika ng ilang offshore gaming operators na ayaw tumigil sa illegal na negosyo.
Pag-amin ni PAOCC chief Undersecretary Gilbert Cruz, biniyak na ng mga dambuhalang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa maliliit na opisina ang operasyong nakatago sa mga condominium at private resorts sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Gayunpaman, tiniyak ni Cruz na susuyurin ang lahat ng sulok ng bansa para tiyakin walang maiiwan maski isang illegal POGO sa Pilipinas.
“Ang pinupuntahan nila, like mga beach resort makakakita ka ng mga foreigners doon. Yung condominium, normally makakakita ka ng mga foreigner. Mas tingin ko doon sila magtatago eh,” anang PAOCC chief.
“Mas mabubuko sila kung pupunta sa mga remote areas na wala naman mga foreigners,” aniya pa.
Patuloy naman umano ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Bureau of Immigration (BI) para sa talaan ng mga dayuhang nag-downgrade ng visa.
Sa pagtataya ng PAOCC, hindi bababa sa 8,000 pang POGO workers ang hindi pa lumilisan.
Posible rin aniyang tinuturuan na ng mga dayuhang POGO workers ang mga Pinoy para sa pagpapatuloy ng illegal POGO operasyon.
