SA halip na ipamahagi sa mga nagsipagtapos ng vocational courses, itinago lang ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang hindi bababa sa 50,000 entrepreneurial starter tool kits.
Batay sa resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit para sa taong 2023, lumalabas na nasayang lang ang nasa P152 milyong inilaan ng pamahalaan bilang tulong sa mga benepisyaryong nagsipagtapos ng iba’t ibang vocational courses na alok ng TESDA.
Sa kabuuang 58,222 undistributed tool kits para sa Special Training for Employment Program (STEP) beneficiaries, 42,080 units ang nagkakahalaga ng P151.85 milyon, habang hindi pa rin batid ng COA kung magkano ang halaga ng natitirang 16,142 units bunsod anila ng “delayed procurement process.”
Sa ilalim ng Republic Act 10931 na mas kilala sa tawag na Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTEA), isinusulong ang programang naglalayon magbigay ng agapay sa mga TESDA graduates na nais magnegosyo gamit ang kaalamang natutunan sa naturang ahensya.
Taong 2021 nang ilabas ng TESDA ang isang memorandum circular na nagbigay-daan para sa mas komprehensibong programa para sa mga TESDA graduates na nais kumita kahit nasa bahay lang.
Sinita rin ng COA ang TESDA sa anila’y hindi katanggap-tanggap na bilang ng mga nagsipagtapos sa ilalim ng programa sa kabila ng P276.37 milyong budget para sa 2,071 scholars.
