
WALANG sapat na batayan para kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) na isinumite ng kontrobersyal na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder na si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa 14-pahinang desisyon ng Commission on Elections (Comelec), ibasura ng poll body ang petisyon para tanggalin sa talaan ng mga kandidato sa posisyon ng senador ang pangalan ni Quiboloy na nakakulong bunsod ng patong-patong na kasong kriminal kabilang ang child abuse.
Paliwanag ng Comelec First Division, bigo si labor leader Sonny Matula (na tumayong petitioner) na magkapagsumite ng sapat na ebidensyang magbibigay-daan para sa diskwalipikasyon ni Quiboloy na kilalang malapit kay former President Rodrigo Duterte.
“Even if this Commission (First Division) were to apply the rules on liberality and decide based on the merits of this Petition, the grounds relied upon by the Petitioner for the disqualification of Respondent and the cancellation of his COC are incorrect and without factual and legal basis,” saad sa isang hagai ng Comelec decision.
Anang Comelec, isang malinaw na “procedural lapse” ang ginawa ni Matula sa inihaing petisyon – ang isabay sa petisyon ang iba pang isyung ipinupukol kay Quiboloy.
Binanggit ni Matula sa petisyon na ang nominasyon ni Quiboloy mula sa Workers’ and Peasants’ Party ay hindi balido dahil sa unauthorized signatory ng kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Sa tala ng Comelec, kandidato si Quiboloy bilang isang independiente.