
SA hangaring tiyakin ang maayos at mapayapang halalan sa mga lugar kung saan talamak ang karahasan, nasa 5,558 personnel ang itinalaga ng Philippine National Police (PNP) bilang election officers sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023.
Paglilinaw ni PNP public information chief Col. Jean Fajardo, ang mga naturang police ay naka-standby bilang kahalili sakaling hindi sumipot sa mismong araw ng halalan ang mga miyembro ng board of election inspectors.
Ayon Fajardo, isinailalim sa pagsasanay ang mga naturang pulis para magsilbing BEIs sa mga polling precinct kasunod ng ulat kaugnay ng pag-atras ng ilang guro sa Cotabato City at Abra dahil sa takot na dulot ng mga karahasan.
Una nang sinabi ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., na sapat ang puwersa ng mga pulis para sa seguridad ng mga guro lalo na sa mga lugar o lalawigan sa bansa na mainit ang politika.
Bagamat wala naman aniyang magagawa ang PNP kung mas pipiliin ng mga guro ang kanilang kaligtasan, hinikayat ni Acorda na magsumite ng waiver ang guro bago pa man sumapit ang takdang araw ng eleksyon.