NAPAPANAHON nang magkaroon ng isang independent forensics laboratory para sa konklusibong imbestigasyon sa iba’t ibang kaso gaya na lamang sa nangyari sa tinaguriang “missing sabungeros,” ayon kay Akbayan partylist Rep. Jose Manuel Tadeo “Chel” Diokno.
Pag-amin ni Diokno, na nagsilbing human rights lawyer sa mahabang panahon, matagal nang panawagan sa pamahalaan ang pagpapalakas ng forensic investigation at pagbuo ng ahensya sa labas ng Philippine National Police (PNP).
“Minsan kasi sa aking experience bilang isang abogado at human rights defender, ang mga basis ng mga prosecution ay testimonya lang. Pero alam naman natin lahat na pwedeng magbago ang sinasabi ng isang testigo pero ang hindi pwedeng baguhin ay yung mga scientific facts based on proper investigations,” paglalahad ng bagitong kongresista.
Ginawa ni Diokno ang pahayag nang hingan ng reaksyon hinggil sa isinasagawang retrieval operation sa Taal lake ng mga pinaniniwalaang labi ng mga sabungero na dinukot o nawawala diumano simula pa noong 2021.
“Yung issue na yan, kailangan makapag-konsulta ang ating pamahalaan sa mga forensic experts. And I think it’s about time na maging mas scientific yung ating approach sa pag-iimbestiga ng mga kaso,” dugtong ng Akbayan partylist solon.
“Isa sa mga isinusulong ko kahit noon pa bilang isang human rights defender, ay magkaroon tayo ng isang independent forensics laboratory na wala sa chain of command ng PNP, na andyan ang mga taga-academe, para sure tayo na kung maglalabas sila ng mga findings and conclusions we can be sure that they are based on science.”
Samantala, nagpahayag din si Diokno ng kahandaan lumahok kapag nangyari ang kahilingan sa isang resolusyon na inihain ni Manila 6th Dist. Rep. Bienvenido Abante para magsagawa ng full-congressional inquiry sa nasabing insidente. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
