
SUNOG ang mukha ng isang factory worker makaraang magliyab ang pinapasukang pabrika ng plastic sa Quezon City.
Sa paunang ulat kay Quezon City District Fire Marshall Senior Supt. Aristotle Bañaga, pasado alas-12:00 ng hatinggabi (Marso 13), nang magliyab ang isang plastics melting factory sa Brgy. Nagkaisang Nayon.
Isang stay-in factory worker na nakilala lang sa pangalang Roberto ang nagtamo ng mga paso sa mukha at katawan matapos pumalya sa ginamit na fire extinguisher.
Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog bandang 6:13 ng umaga — hudyat para sa agarang paglikas ng mga residente sa kalapit na komunidad.
Pag-amin ni Bañaga, nahirapan silang apulahin ang sunog bunsod ng ‘highly combustible plastic materials’ sa loob ng natutupok na pasilidad.
“Medyo malawak ang lugar. Dalawang warehouse, dalawang establishment. Medyo nahirapan kami sa kadahilanang ito ay plastic,” pahayag ng opisyal.
Nabatid na nagsimula ang sunog sa baraks ng mga manggagawa sa likod ng pabrika.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pinsala sa ng nasabing sunog.