PARA sa mas mabilis at sistematikong pagtugon sa tawag ng saklolo, nagpahayag ng kahandaan ang Armed Forces Of the Philippines (AFP) na pansamantalang gamitin ang siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites para sa humanitarian assistance at disaster relief operations.
Sa isang direktiba, inatasan din ni AFP chiefs of staff Gen. Romeo Brawner sa sandatahang lakas na maghanda para sa paghahatid ng mga rescue assets at paglikas ng mga pamilyang apektado ng unos na dulot ng matinding buhos ng ulan na dala ng bagyo at hanging habagat.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla na tumatayong tagapagsalita ng AFP, gagamitin din ang mga naturang pasilidad bilang command center at repacking area ng mga relief goods na ihahatid sa mga apektadong lugar na tinamaan ng kalamidad.
Paglilinaw ni Padilla, hindi na kailangan ng pamahalaan humingi ng pahintulot sa Estados Unidos na gumastos sa pagtatayo ng mga EDCA sites. Ayon sa AFP spokesperson, kailangan lamang aniya ng koordinasyon sa Estados Unidos.
Ibinida rin ni Padilla ang AFP — “Hindi lang kami nakakalat kung saan-saan, kung saan kami kailangan siguradong kami ay nariyan.”
Katunayan aniya, nakapag deploy na ang AFP ng libo-libong sundalong may kasanayan sa “search and rescue” bago pa man pumasok sa bansa ang bagyong Crising.
Meron din umanong “frontline” ang AFP para sa pagbibigay agapay sa mga apektadong komunidad — bukod pa sa pambansang seguridad. (EDWIN MORENO)
