
BINALAAN ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang mga bagong halal na mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) sa pagtatalaga ng kanilang mga kamag-anak bilang treasurer at secretary.
Naglabas si Abalos, ng DILG Memorandum Circular (MC) 2023-167 na ipinagbabawal ang ‘nepotismo’ o pagtatalaga ng mga SK officials ng kanilang kamag-anak hanggang 2nd civil degree sa puwesto bilang treasurer at secretary.
Ayon kay Abalos, kailangang magtalaga ang mga SK officials ng kanilang kalihim at treasurer sa loob ng 60-araw at dapat ang mga ito ay residente ng kanilang barangay at may kasanayan sa gagawing trabaho. Giit ni Abalos, dapat na isipin ng mga SK officials ang circular dahil dito nakasalalay ang kanilang kredibilidad.
“Kaya mahalagang simulan nila ito [appointment] nang tama. Bawal ang kamag-anak system sa pag-appoint ng SK secretary at treasurer,” anang kalihim.
Dagdag ng DILG chief, obligado ring dumalo sa SK mandatory training ang mga SK officials upang magkaroon ng sapat na kaalaman sa responsibilidad ng mga ito sa kanilang barangay.