Ni Estong Reyes
DAPAT naka-angkla sa pambansang economic development ang lahat ng galaw ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) na ginawa ngayon ng umaagaw at nanghihimasok sa lugar tulad ng China at katunggaling Vietnam, ayon kay Senador Alan Peter Cayetano.
“Ang akin lang advice sa Pilipinas, any strategy in the West Philippine Sea has to have a strategy of economic development,” sabi ng senador sa isang panayam sa media.
“Kung hindi, parati na lang tayo y’ung mahirap na kapitbahay, parati tayong nasa gilid,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, napalago ng China ang mga patakaran at militar nito gamit ang economic development, na nagtulak dito para maging isang global superpower.
Inihalintulad naman niya ang Pilipinas sa mga maliliit na pamayanan sa gilid ng mga mas mayayamang lugar tulad ng Ayala-Alabang, Ayala Avenue, at Bonifacio Global City.
Dahil dito aniya, mahirap iparinig ang ating tinig at igiit ang ating posisyon pagdating sa West Philippine Sea.
“We have to find a sustainable strategy and framework in dealing with the West Philippine Sea with all of our neighbors. In the same manner na nakahanap tayo ng paraan to deal with Malaysia and Vietnam, we have to find a way to deal with China,” sabi niya.
“Having said that, it’s easier said than done kasi depende din doon sa aksyon n’ung kabila… Kasi malaking bagay nito ay y’ung diplomacy at geopolitics,” dagdag niya.
Tumindi ang tensyon sa WPS noong Biyernes, Nobyembre 10, nang habulin ng dose-dosenang Chinese coast guard at iba pang barko ang mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Nagpasabog pa ang mga ito ng water cannon patungo sa isang bangkang de-motor na naghahatid ng pagkain at iba pang supply sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ni Cayetano na maaring lumala pa ang sitwasyon sa West Philippine Sea dahil sa tensyon sa pagitan ng China at United States.
“Lumalalim ang geopolitics around the world. Y’ung (actions) ng America, apektado tayo kasi kapitbahay natin ang China… Sa China, you have to understand it’s also (their) national security ang tinitingnan nila dyan sa West Philippine Sea,” aniya.
Ayon kay Cayetano, dapat tingnan ng Pilipinas ang halimbawa ng Vietnam, na nagawang palaguin ang ekonomiya nito sa loob ng ilang taon.
“If you look at Vietnam, that’s what they are doing. And where are they starting? Babalik tayo sa education,” wika niya.
