
NON-NEGOTIABLE. Ganito ilarawan ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong kriminal kung saan kabataan ang biktima, matapos maglabas ng pahayag hinggil sa napipintong pagbusisi sa aregluhan sa pagitan ng suspek at ng pamilya ng biktima.
Bilang pambungad, nakatakdang magpatawag ng pulong si Justice Secretary Crispin Remulla sa Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Child Protection Network Foundation (CPNF) para bumalangkas ng mga panuntunan sa hangarin tuluyan tuldukan ang aniya’y maling sistema ng aregluhan.
Partikular na tinukoy ni Remulla ang mga kasong incest rape at child abuse kung saan aniya hindi ‘natutuluyan’ ang suspek’ matapos ang kasunduang pera-pera.
At upang tiyakin walang butas ang panuntunan, kabilang rin sa isusulong ay ang pagpasok ng Supreme Court Administrator para sa paglikha naman ng husgado ng matibay na direktiba laban sa pagbasura ng kasong incest rape at child abuse.
“Yung dating kalakaran na naaareglo ang mga bagay-bagay, dito dapat hindi na tayo pumayag sa areglo kasi mangyayari muli ‘yan kapag pinayagan nating manatili ‘yung mga taong walang pinagsisisihan o walang pinagbabayaran,” wika ng Kalihim kasabay ng giit na nasa ‘state of emergency’ na ang bansa sa usapin ng pag-abuso sa mga bata.
“It’s a disease that we just can’t cure. Hindi yan tulad ng COVID na bakuna lang ang katapat.”