HINDI akmang iwanan sa ere at tuluyang malugmok ang mga sektor na apektado sa napipintong implementasyon ng Regional Comprehensive Economic Partnership, ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano.
Mungkahi na Cayetano na kabilang sa 10-man Senate Oversight Committee, palawakin ang sariling programang pangkabuhayan sa hangaring makasabay sa binibidang kaunlarang kalakip ng RCEP trade agreement kasama ang iba pang bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
“Our desire from the very beginning is to see the entire nation grow, not just the urban centers,” pahayag ni Cayetano.
Binanggit ng senador ang agrikultura at sektor ng paggawa sa mga sektor na lubhang apektado higit na kailangan ng agarang atensyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan at mababang farm-gate price.
Pangako ni Cayetano, patuloy niyang tutulungan ang mga kababayang magsasaka na makabili ng kagamitan sa pamamagitan ng programang Presyo, Trabaho, Kita/Kaayusan (PTK).
Partikular na tinukoy ng senador ang pagbabahagi ng puhunan sa mga maliliit na negosyante tulad ng mga may-ari ng sari-sari store sa iba’t ibang panig ng bansa bilang agapay patungo sa pag-asenso.
“Hangga’t may nangangailangan at kaya nating tumulong in our own capacity, pupuntahan natin ang ating mga kababayan para magbigay ng tulong,” aniya.
Hinimok kamakailan ni Cayetano ang mga kapwa senador at ang ehekutibo na maglagay ng “safety nets” para sa mga sektor na apektado ng free trade deal.
“I want that kind of assurance from the executive department. Because I do really believe that RCEP would really be such a good vehicle for us, di ba? But let’s also have the commitment that, kung may maiwan na sektor. We cannot afford for some sectors to become losers because it could kill,” aniya pa.
Nito lang Enero, binisita ng PTK team ni Cayetano ang mga benepisyaryo ng programa sa Davao City upang i-monitor ang paglago nito at magbigay ng karagdagang tulong.
Isa rito ay ang San Isidro Farmer Consumers Cooperative na napalago nang doble ang kanilang assets sa tulong ng P100,000 na kapital mula sa PTK. Ang nasabing halaga aniya ay maaaring ipautang ang kooperatiba sa mga miyembro at maging sa iba pang kwalipikado.
Sa Taguig, pinag-aaralan ng PTK team ang posibilidad na maihatid ng Sinait Garlic Growers Association sa isang restaurant o palengke sa siyudad kung saan pwede silang maging pangunahing taga-supply ng bawang.
Mahigit 220 grupo na ang mga grupong benepisyaryo ng PTK program sa buong bansa, kabilang ang driver ng pampublikong sasakyan, tindera sa palengke, kababaihan, magsasaka, at mangingisda.
“Maraming benefits ang ating mga kababayan kung may asosasyon silang kinabibilangan, kaya ine-encourage talaga natin silang bumuo ng grupo o sumali sa isang grupo. Mabilis naipararating sa atin ang kanilang mga pangangailangan at mabilis din natin itong natutugunan.”