DALAWANG araw kada buwan ang target ibigay ng isang panukala sa Kamara sa mga empleyadong babae bilang ‘paid leave’ sa pinapasukang kumpanya o tanggapan ng pamahalaan.
Sa ilalim ng House Bill 6728 (Menstruation Leave Bill) na akda ni Cotabato Rep. Ma. Alana Taliño-Santos, tinutulak na bigyan ng dalawang araw na bakasyon ang mga kababaihang empleyado sa tuwing magkakaregla.
“Kung aprubado sa Spain, Japan, South Korea at iba pa, bakit hindi rin natin ipatupad sa Pilipinas,” giit ni Taliño-Santos sa inihaing panukala.
Aniya, bukod sa Spain, Japan at South Korea, matagal na rin aniyang ipinatupad ang ‘menstruation leave’ sa mga mga bansang Taiwan, Indonesia at maging sa Zambia sa kontinente ng Africa.
Kalakip rin ng panukala ang probisyong nagbibigay seguridad sa mga babaeng empleyado laban sa posibleng pagkakasisante, pagkakasuspinde, demotion at diskriminasyon.
Sa sandaling ganap na maisabatas, lalapatan ng parusa – P50,000 multa at hanggang anim na buwan sa bilangguan – ang mga employers na lalabag.
“Sa Spain nga tatlo hanggang limang araw ang paid menstrual leave nila.”