HULI man daw at magaling, ang kamag-anak na utak ng katiwalian lusot pa rin.
Ito ang buod ng mensahe ni Senador Imee Marcos matapos iligwak ang napipintong paghahain ng kasong kriminal laban sa mga mambabatas na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.
Kabilang sa mga tinukoy ni Sen. Imee sina incumbent Sen. Jinggoy Estrada, at Joel Villanueva, gayundin si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Sa panig ng Kamara, tatlong kongresista umano ang nasa talaan ng mga kakasuhan ng Office of the Ombudsman — sina CWS partylist Rep. Edwin Gardiola, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap.
Gayunpaman, lubhang ikinabahala ni Imee na wala sa talaan ng mga dapat kasuhan si former House Speaker Martin Romualdez.
“Ang balita, January 15 ang charges against certain senators will be filed. I understand they have already drafted against Sen.Jinggoy, Sen.Joel and former Senator Bong,” ani Marcos sa isang panayam.
“Alam ko na ipinagmamalaki na kumpleto na daw yung ebidensya at pwede na daw ifile,” aniya.
Kasabay nito, ibinasura naman ni Remulla ang haka-hakang nakalap ni Marcos hinggil sa kasong isasampa kina Estrada, Villanueva at Revilla sa pagsasabing hindi nito nalalaman kung saan nanggaling ang kanyang impormasyon.
“Buti siya alam niya, ako di ko alam yun… ewan ko kung saan nanggagaling ‘yun,” ani Remulla.
Unang sinabi din ni Marcos na walang direktang ebidensya na nag-uugnay kina Senador Francis Escudero at Mark Villar, at dating Senador Nancy Binay at Grace Poe sa “ghost” at substandard flood control projects.
Mahigpit na pinabulaan ng mga nabanggit ang anumang kaugnayan sa kontrobersiyang nagbigay-daan sa malawakang protesta laban sa flood control corruption — at panawagan para panagutin at oikulong ang mga sangkot.
“Bakit naman ganito lahat ng senador akala ko yung flood control ang pinagmulan eh doon sa Kongreso at sa Speaker’s office?,” ayon kay Marcos. (ESTONG REYES)
