HINDI kailanman isinuko ng Pilipinas ang pag-angkin sa Sabah, patutsada ni Senador Robin Padilla sa aniya’y maling impormasyong ibinahagi ni Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz sa pagdinig ng Senado.
“Sa pagdinig na ito, nagbitaw ng pahayag si Kalihim Ruiz na matapos raw ‘pagsabungin’ ng Malaysia ang Pilipino laban sa kapwa Pilipino, nawala sa atin ang Sabah. Ang pahayag na ‘We lost Sabah’ po ay isang mabigat na pahayag lalo sa ating mga kapatid sa Sulu.”
“Taliwas sa sinabi ng kalihim, hindi nawala sa atin ang Sabah dahil buhay na buhay pa po ang ating pag-angkin o claim sa Sabah sa pamamagitan ng Seksyon 2 ng Republic Act 5446. Malinaw na nakasaad dito na ang North Borneo — na ngayon ay Sabah — ay kinikilalang teritoryo ng Pilipinas,” bulalas ni Padilla.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Padilla kay Ruiz bunsod ng umano’y walang basehang pahayag.
“Ang totoo po, nakakadismaya na ang isang pahayag na walang basehan ay manggagaling pa sa isang opisyal ng Malacañang na nangakong lalaban sa pagkalat ng fake news.”
“Dagdag pa rito na ang maling pahayag ay binitawan sa mismong pagdinig na naglalayong lumaban sa maling impormasyon,” pagtatapos ng mambabatas.
