MATAPOS ilaglag ng dating katiwala, mariing pinabulaanan ng kampo ng kontrobersyal na si Charlie “Atong” Ang ang anumang kinalaman sa kaso ng mga sabungerong dinukot at pinatay noong taong 2021.
Kasabay ng pagtanggi, binuweltahan din ni Atty. Lorna Kapunan — tumatayong abogado ni Ang — si Julie Patidongan na umano’y naglabas ng kasinungalingan dahil hindi umubra ang pangingikil ng P300 milyon sa dating amo.
“I think all the statements are lies,” wika ni Kapunan sa isang panayam.
“They’re false. And I think it did come at a time when it became evident to him that Mr. Atong Ang was not going to give in his extortion of P300 million, which he also tried, attempted to several members of the board,” dugtong ng abogado.
Katunayan aniya, sinampahan ng patong-patong na kaso ni Ang si Patidongan sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office. Bukod kay Patidongan, dawit din sa reklamong inihain sa piskalya ang isang Allan Bantiles.
Kasama ni Ang sa paghahain ng kaso si Kapunan at Atty. Sina Caroline Cruz.
Samantala, nilinaw ni Patidongan na si Ang mismo ang nag-alok sa kanya ng P300 milyon kapalit ng pananahimik tungkol sa mga missing sabungero. Hindi rin umano tinanggap ni Patidongan ang alok na suhol. (ITOH SON)
