PARA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi wastong dagdagan ang pasanin ng mga mamamayan sa gitna ng krisis na dulot ng hidwaan sa Middle East.
Sa kumpas ni Marcos, pinigil ang implementasyon ng taas-singil sa pamasahe. Ayon sa Pangulo, hindi napapanahon ang naturang hakbang ng Department of Transportation (DOTr).
Sa kanyang video message, inatasan ng Pangulo ang DOTr na suspendihin ang taas-singil sa pamasahe. Katwiran ng Pangulo, nasa gitna pa ang gobyerno sa pag-alalay sa mga commuter, sa mga manggagawa, at sa lahat ng estudyante na gumagamit ng transport system.
Gayunpaman, pinawi ni Marcos ang agam-agam ng mga tsuper at operator. Aniya, dadagdagan ng pamahalaan ang suporta sa public transport sector.
“Hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe para sa ating mga kababayan kaya iniutos ko sa DOTr na suspendihin muna ang fare hike at i-defer muna natin yan,” anang Pangulo.
Inatasan din ng Pangulo ang DOTr buhayin ang programang libreng sakay sa buong Pilipinas bilang alalay sa mga commuter.
Kabilang rin sa tugon ng Pangulo ang pagbibigay ng diskwento sa MRT, LRT at toll fee sa mga expressway.
