
UMAKYAT na sa 154 lugar sa Luzon ang isinailalim sa state of calamity matapos bayuhin ng mga bagyong Egay at Falcon – na sinabayan pa ng hanging habagat.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), patuloy pa rin dumaranas ang mga residente ng Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) at Bicolandia ng matinding pagbaha at buhos ng ulan.
Nasalanta rin sa dalawang nagdaang bagyo ang mga residente ng Western Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Sa bisa ng deklarasyon, pinahihintulutan na rin ang mga lokal na pamahalaan ang kani-kanilang calamity funds para tugunan ang mga apektadong mamamayan sa nasasakupang lalawigan, lungsod at bayan. .
Samantala, pumalo na rin sa 27 katao ang kumpirmadong nasawi dahil sa kalamidad, habang 13 iba pa ang patuloy na hinahanap. Nasa 52 naman ang sugatan.
Sa pagtataya ng pamahalaan, mahigit 2.8 milyong mamamayan (katumbas ng 765,000 pamilya) mula sa 4,646 barangay ang apektado. Sa naturang bilang, 289,713 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 677 designated evacuation centers.
Nag-iwn rin ang mga nagdaang bagyo ng P3.52-bilyong pinsala sa 495 imprastraktura, habang pumalo mahigit P2 bilyon naman ang danyos sa sektor ng agrikultura.