TALIWAS sa tunay na layunin ng mga makabagong teknolohiya ang pagkakalat ng disimpormasyon lubhang kinahuhumalingan ng mga mamamayan sa social media.
May mga nagpapanggap na eksperto sa larangan ng pag-aanalisa sa politika at ekonomiya. Meron din naman nagkukwento na parang totoo dahil sa kalakip na larawan — tulad na lang ng pinakabagong paratang na sadyang idinisenyo para sirain ang integridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang kabiyak na si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Para kay Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia, lubhang nakakabahala ang kalapastanganan ng mga nasa likod ng aniya’y isang malaking kasinungalingan.
Paninira sa Social Media
Partikular na tinukoy ni Goitia ang kumakalat na paratang na ipinupukol sa mag-asawang Marcos.
May binabanggit na droga, sekswal na gawain, at di umano’y mga “sensitibong” larawan— kabilang ang mga inedit o pekeng materyal na pilit iniuugnay sa Unang Ginang.
“Walang ebidensya ang mga ito. Walang dokumento. Walang forensic findings. Walang sinumpaang salaysay. Walang kasong inihain sa alinmang awtoridad. Ang meron lamang ay isang panayam, na paulit-ulit na ikinalat sa social media,” wika ni Gotia.
Giit ni Gotia, malinaw ang pakay ng pinapakalat sa social media — paninirang puri.
“Kailangan malinaw ito,” ani Goitia. “Ang tunay na kritisismo ay nakabatay sa katotohanan. Ang nangyari dito ay mga paratang na walang ebidensya, na pinalaki sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapakalat.”
Malabnaw na Panayam
Pinakalat ang mga paratang sa pamamagitan ng isang online na panayam na isinagawa ng vlogger na si Deen Chase. Sa naturang interview, kapansin-pansing walang seryosong pagtatanong, walang beripikasyon, at walang pananagutan.
Dahil dito, ang mga pahayag na hindi nasuri ay mabilis na kumalat.
Ang paggamit ng pormat ng panayam ay hindi nagbibigay ng kredibilidad. Sa halip, pinapadali lamang nito ang pagkalat ng paratang. Walang awtentikasyon, walang pagsumite sa mga institusyong maaaring magsuri, at kaswal ang tono—na para bang sapat na ang pag-uulit para paniwalaan.
Ngunit may sariling pamantayan ang katotohanan.
“Huwag nating lokohin ang sarili natin,” ani Goitia. “Ang panayam ay hindi pahintulot para maglabas ng paratang na walang patunay.”
Malinaw ang layunin: kumalat ito at hindi maliwanagan.
Target Ang Unang Ginang
Hindi nagkataon ang pagtuon sa di umano’y sekswal na asal at sinasabing pribadong mga larawan ng Unang Ginang. Malinaw na gastadong taktika ang pamamaraan sa paninira.
Kapag walang maipakitang katotohanan, dangal ang tinatarget. Kapag hindi kayang usigin ang pamamahala, personal na buhay ang binabalahura.
Dahil babae ang ginagawang paksa, inaasahang mas tatagal ang pinsala kahit malinaw na walang batayan ang mga paratang.
“Ito ay isang malinaw na gender attack,” ayon kay Goitia. “Umaasa ito sa hiya at pahapyaw na paratang dahil alam nilang mas mahirap itong ituwid, kahit napatunayang mali.”
Walang larawang napatunayan. Walang ekspertong nagkumpirma. Ngunit inaasahan ng mga nagkalat na sapat na ang paratang mismo para makapanira.
Hangganan ng Karapatan
Oo, bukas sa pagsusuri ang mga opisyal ng gobyerno. Tama lang iyon.
Ngunit hindi saklaw ng malayang pananalita ang pag-imbento ng krimen at imoral na gawain. Kapag ang mga ganitong paratang ay pinakalat online nang walang sapat na batayan, maaari itong magbunga ng pananagutang kriminal at sibil sa ilalim ng umiiral na mga batas sa libel at cyberlibel.
Hindi sapat ang ikubli ito sa salitang “opinyon,” o palusot bilang “panayam.” Hindi rin nawawala ang pananagutan dahil lamang sa pag-share. Sa mata ng batas, ang mahalaga ay ang pinsalang naidulot, hindi ang mga palusot na ginamit.
“Ang malayang pananalita ay may hangganan,” ani Goitia. “Hindi ito lisensya para manira ng pangalan, at malinaw na nalampasan na ang linyang ito.”
Dapat malinaw ito sa mga patuloy na nagpapakalat ng ganitong paratang: may tunay na pinsala ang kanilang ginagawa, at may kaakibat itong pananagutan.
Ebidensya o Pananagutan
Kapag nagpapatuloy ang pag-uulit ng mga paratang sa kabila ng kawalan ng patunay, hindi na ito simpleng pagkakamali. Malinaw na may intensyon, at sa ganitong mga usapin, mahalaga ang intensyon.
Ang seryosong akusasyon ay nangangailangan ng seryosong ebidensya. Kung wala nito, ang nararapat na hakbang ay malinaw: tumigil.
Maaaring mabilis kumalat ang impormasyon sa internet at madali rin itong makalimutan, ngunit hindi laging ganoon ang nangyayari. Ang kasinungalingan ay maaaring mabilis umikot, ngunit ang pananagutan ay dumarating din—sa tamang panahon at sa tamang paraan.
“Ito ay hindi usapin ng pagpigil sa malayang pagpapahayag,” pagtatapos ni Goitia. “Ito ay usapin ng katotohanan, pananagutan, at ng mga pamantayang nagpapanatili ng tiwala sa ating lipunan.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba.
