
PANSAMANTALANG pinatigil ng Department of Justice (DOJ) ang pagbiyahe ng mga bagong preso sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa gitna ng pinakabagong bulilyasong nadiskubre sa naturang pasilidad.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, sa ibang bilangguang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor) na lang muna ibibiyahe ang mga bagong preso. Kabilang sa mga nakikitang pwedeng pagdalhan ng mga bagong bilanggo ang Sablayan Prison sa Occidental Mindoro, San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga at Davao Penal Colony, Iwahig sa Palawan.
Bago pa man ang moratorium na atas ni Remulla sa pagtanggap ng bagong bilanggo sa NBP facility sa Muntinlupa, sumingaw ang balita hinggil sunod-sunod na insidente ng barilan, pananaksak at ang sa loob piitan at pagkatagpo ng dalawang bangkay at mga buto ng tao sa isang septic tank.
Dagdag pa ng Kalihim, layon ng naturang direktiba pahintuin ang mabilis na paglobo ng populasyon sa naturang bilangguan.
Sa mga panahong tigil muna ang pagtanggap ng mga bagong bilanggo, itutulak naman aniya ng BuCor ang mga mekanismong magbibigay-daan sa pagwawakas ng kultura ng karahasan at nakagawiang ilegal na aktibidades ng mga preso.
Para kay Remulla, masyado na rin masikip ang NBP.