WALANG anumang dayaang naganap noong nakaraang halalan, ayon sa Commission on Elections (Comelec) bilang tugon sa alegasyon ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Eliseo Rio Jr.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, walang basehan ang paratang ni Rio kaugnay ng transmission ng resulta mula sa pribado at mga magkakatulad na IP addresses sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Cavite at Batangas.
Paglilinaw ni Garcia, walag probisyon sa batas na nagtatakda ng panuntunan sa mga IP addresses ng mga modem na ginagamit sa halalan. Aniya, mayroong 20,300 modems na may magkakaparehong IP address noong nakaraang taon.
Paliwanag ng Comelec chairman, ang 4G network modems ay nabili para sa Comelec-leased vote counting machines (VCMs) gayundin para sa nasa 5,000 nasirang modem mula sa mga VCM na binili noong 2016 at kalaunan ay isinaayos para sa May 2022 general elections.
Pag-amin ni Garcia, sadyang hindi na binago ang IP address na nakatala sa 20,000 modems. Katwiran ng opisyal – hindi na aabot sa Mayo 2022 election ang mga modem kung iisa-isahin baguhin ang rekord ng IP address na nakatala sa kada modem.
Itinanggi rin ni Garcia ang bintang na may dinaanan pa ang transmission ng resulta bago dumating sa Comelec.
Katunayan pa ani Garcia, hindi halos nagkalayo ang bilang na naitala ng dalawang election watchdogs na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL).
Sa isinagawang random manual audit sa mga balotang hawak ng city at municipal treasurers para sa 748 clustered precincts, nakapagtala rin aniya sa 99.949% accuracy.