MATAPOS ang mahigit tatlong taon, tuluyan nang pinawalang salawa ng Manila Regional Trial Court ang tatlong aktibistang miyembro ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) kaugnay ng kasong illegal possession of firearms and explosives
Sa kapasyahang nilagdaan ni Manila RTC Branch 47 Judge John Benedict Medina, nanindigan ang husgado na walang sapat na ebidensya ang panig ng tagausig para idiin sina Reina Mae Nasino, Ram Carlo Bautista at Alma Moran, na dinakip noong Nobyembre 2019 sa kainitan ng kampanya ng nakaraang administrasyon laban sa makakaliwang grupo.
Bago pa man lumabas ang desisyon, una nang idineklarang ilegal ng Court of Appeals ang search warrant na ginamit sa pagsalakay sa tirahan ng noo’y buntis na si Nasino at dalawang iba pang aktibista.
Buwan ng Nobyembre taong 2019 nang dakpin at ikulong si Nasino na nagluwal sa piitan ng dinadalang sanggol na kalaunan ay binawian ng buhay.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang Department of Justice sa natalong kaso laban sa tatlong aktibista. Gayunpaman, nilinaw ng Kalihim na iginagalang ng departamento ang pasya ng husgado.
Inatasan rin ni Remulla ang pagrerebisa sa naturang kapasyahan ng Manila RTC para sa susunod na hakbang.
Muli rin pinaalalahanan ng Kalihim ang mga government prosecutors sa kahalagahan ng tinawag niyang case build up para sa mga asuntong isasampa sa korte.