MALAKING bentahe sa bansa ng Pilipinas ang muling pagsapi sa International Criminal Court (ICC) para palakasin ang kampanya laban sa mga tiwali at abusado.
Sa ilalim ng House Resolution 1056, partikular na isinusulong ni Mamamayang Liberal partylist Rep. Leila De Lima ang kolektibong panawagan ng Kamara kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. — ang muling mapabilang sa mga bansang miyembro ng Rome Statute.
Para kay De Lima, higit na angkop simulan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang proseso sa pagbabalik sa ICC.
“The re-accession of the Philippines to the Rome Statute of the ICC is vital to reaffirm the country’s commitment to justice and accountability and to strengthen the protection of human rights and the rule of law, aimed at deterring the commission of grave international crimes and restoring public trust in institutions of justice,” wika ni De Lima.
“This will also reinforce the Philippines’ standing in the international community as a State that upholds its obligations under international law and defends the dignity of every human person,” dugtong ng kongresista.
Taong 2017 nang kumalas si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC matapos matunugan ang isinasagawang imbestigasyon sa giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.
Taong 2019 naman nang pormal na tinanggap ng ICC ang pagkalas ng Pilipinas.
Giit ni De Lima, hindi na dapat pang maulit ang madilim na yugto ng kasaysayan.
“Kitang-kita natin ngayon na sa pagkakasakdal sa ICC nina Rodrigo Duterte, Sen. Bato Dela Rosa, at iba pang co-perpetrators sa crime against humanity, nariyan pa rin ang pagsisikap ng kanyang mga kaalyado na may mataas na posisyon at impluwensya sa pamahalaan para pagtakpan sila at hindi paharapin sa pananagutan,” aniya pa.
“The Philippine must rejoin the ICC as a reaffirmation of our commitment to the rule of law, justice and accountability. Kailangan nating patatagin ang mga mekanismo ng pagpapanagot sa mga pasimuno ng mga karumal-dumal na krimen, at tiyakin na makakamit ng mga biktima at ng kanilang pamilya ang hustisya.”
