MATAPOS makalusot sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang P100 legislated wage hike, target naman ngayon ng Palasyo dagdagan ang antas ng buwanang ayuda sa hanay ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Pag-amin ni Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), inatasan na sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan kung paano mapapalawak ang mga programa ng pamahalaan para sa mga maralita bunsod na rin ng paghina ng halaga ng piso kontra sa umiiral na presyo ng bilihin sa merkado.
Para di umano mas mapabilis ang isinusulong na dagdag-ayuda sa mga benepisyaryo ng programang 4Ps, binigyan rin ng direktiba ng Pangulo ang National Economic and Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) na tumulong sa pagbabalangkas ng mungkahing ilalatag sa Kongreso.
“Alam naman natin na ginagawa ng economic team lahat para mapababa ang inflation, pero habang ginagawa yun, kailangan ay kaakibat yung pagprotekta sa peso value ng mga grants na ibinibigay natin, katulad sa 4Ps at sa ibang pang mga programa na nakatuon sa pagbibigay ng social protection sa pinakamahirap nating kababayan,” wika ni Gatchalian sa isang press briefing sa Palasyo.
Isa aniya sa nakikitang paraan ng administrasyon ay ang pagkakaroon ng bagong batas para madagdagan ang halaga ng pinamamahaging buwanang ayudang pinansyal sa mga maralitang pamilya kapalit ng pagsunod sa mga kondisyon na may kinalaman sa nutrisyon, kalusugan at edukasyon.
“Yan yung gist ng meeting namin, ang masiguro na naka-price index whether it’s cost of living or price of the essential baskets. We were tasked to work with PSA and the NEDA to find the best index to use to make sure na ang tulong pinansyal, whether the 4Ps grants or, I guess, all other social protection that we do i-make sure namin na hindi siya napag-iiwanan kung nagkaroon ng spikes like inflation,” pagtatapos ng Kalihim.
