Ni HERNAN MELENCIO
DALAWANG linggo pagkatapos ng pagguho ng lupa sa Maco, Davao de Oro noong Pebrero 6, kung saan 98 na ang kumpirmadong patay at siyam pa ang nawawala, mukhang magkakalimutan na lang ulit at idadaan ang sisi sa kalikasan. Mangangako ang gobyerno ng mga bagong batas, patakaran at plano para pigilan ang baha, ayusin ang mga daluyan ng tubig at pangalagaan ang kalikasan.
Tuluy-tuloy na pag-ulan at pagbaha ang dahilan ng pagguho pero kabilang din sa sinisisi ng Office of Civil Defense (OCD) ang “maluwag na pagpapatupad ng batas sa mga aktibidad ng mga tao gaya ng iresponsableng pagmimina.”
Gaya ng korupsyon, alam ng lahat na nangyayari ang “iresponsableng” pagmimina, pero himalang walang nakikitang iresponsableng may-ari ng minahan. May krimen pero walang kriminal. Alam na may sumisira ng kapaligiran pero hindi alam kung sino. O ayaw nilang malaman kung sino. Nami-miss tuloy natin ang mga lider na gaya ng namayapang si Gina Lopez na nagpasara ng 22 minahan sa bansa na anya’y sumisira sa kalikasan nang naging Kalihim siya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2016. Sa kamalasang palad, sampung buwan lang ang itinagal niya sa opisina dahil maraming mga makapangyarihang taong nasagasaan ng kampanya niya para sa kalikasan ang nagalit sa kanya. Nilaglag siya ng Commission on Appointments at muling nagbukas ang mga pinasara niyang minahan pagkatapos.
Lalong lumalabo ang isyu ng landslide dahil nakatingin ang lahat sa ChaCha na niluluto ng Kongreso. Nagkakabati na ngayon ang nagbabangayang Senado at Bahay ng mga Kinatawan – pinagbati sila ni Dayunyor – para matuloy na ang pagbabago sa Konstitusyon.
Asahang mga lokal na opisyal na lang sa Davao de Oro ang magiging abala tungkol sa naganap na trahedya. Mamamahagi sila ng ayuda, tulong, at magkakaroon ng mga pagpupulong at pag-uusap hanggang mapagod at matulad na lang ito sa mga nakaraang sakuna na walang napapanagot. Pupurihing muli ang pagiging “resilient” ng Pinoy.
Sino nga ba ang dapat managot? Ayon sa mga environmentalist, ‘yung mga nagpapatakbo ng minahan ang may sala. Partikular sa Masara, bayan ng Maco sa Davao de Oro, na pinangyarihan ng pagguho, ang Apex Mining Corp. Inc. ang dapat anilang managot. Ito ang dapat umanong imbestigahan ng gobyerno.
“Nakakaalarmang pinayagang magpatuloy ang operasyon ng pagmimina sa lugar kahit itinuring na itong ‘no build zone’ pagkatapos ng mga landslide noong 2007 at 2008,” anang Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE). Kahit sinasabi ng Apex na nangyari ang pagguho sa labas ng minahan at ang mga biktimang manggagawa nito ay naghihintay lang sa sasakyan nilang bus, “malinaw na kailangan pa ring managot ng kumpanya sa kabiguan nitong magbigay ng sapat proteksyon sa manggagawa nito at sa malapit na mga komunidad at sa pagpapatuloy ng malawakang operasyon sa lugar sa kabila ng mapanganib na kalagayan ng lupain,” dagdag ng Kalikasan PNE.
