SA gitna ng kabi-kabilang bulilyaso, iminungkahi ng isang mambabatas na suspendihin muna ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang pangongolekta ng buwanang butaw sa hanay ng mga minimum wage earners hanggat hindi isinasaayos ng naturang ahensya ang sistema sa paggamit ng nalilikom na pondo.
Pagsisiwalat ni House Committee on Appropriations senior vice chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, pinapatulog lang naman aniya ng Philhealth ang kanilang pondo.
Katunayan pa, ayon kay Quimbo, taong 2022 nang maglaan ang Kongreso ng P80 bilyon sa PhilHealth bilang subsidiya sa premium ng mga maralitang pamilya, senior citizens at persons with disability (PWD).
Pero sa halip na ibuhos sa mga naturang sektor, nag-iwan pa ang PhilHealth ng P24 bilyon.
Nito lamang nakaraang taon, naglaan naman ng P79 bilyon ang Philhealth para sa premium pero di naman aniya nagamit lahat ang naturang alokasyon. Katunayan pa ani Quimbo, may natirang P39 bilyon.
“The unspent premium of PhilHealth can very well cover the premium contributions of minimum wage earners for at least a year since in 2022 their premium contribution only amounted to P19.6 billion,” ayon kay Quimbo.
Batay sa pagtataya ng PhilHealth, aabot ang kanilang financial reserve sa P463 bilyon na mas mataas ng P68% kumpara noong 2022.
