SA hangaring tiyakin ang integridad ng pinamumunuang blue ribbon committee, inilantad ni Senador Panfilo Lacson ang modus operandi ng isang empleyado ng senado.
Sa isang pahayag, nanindigan si Lacson sa bentahe ng isang komiteng walang bahid ng katiwalian.
Partikular na tinukoy ng senador ang isang Beng Ramos na nagpakilala umanong empleyado sa tanggapan ni Senador Jinggoy Estrada.
Aniya, agad na ipatutupad ang tinawag niyang internal cleansing sa naturang komite. Pagtitiyak ni Lacson, pangunahing prayoridad ng bagong liderato ipagpatuloy ang nakabinbing imbestigasyon nang walang bakas ng katiwalian.
Bago pa man naglabas ng pahayag si Lacson, una nang ibinunyag sa pagdinig ng Kamara ang katiwalian na kinasasangkutan umano ni Ramos.
“In the House committee hearing today, a blue ribbon staff member identified by Sen. Jinggoy Estrada as Beng Ramos was linked to a supposed delivery of obligation aka ‘lagay’ by WJ Construction that was awarded a project by then Bulacan 1st DEO Henry Alcantara,” ani Lacson sa isang social media post.
“Since I am not sure if there is only one Beng Ramos in the Blue Ribbon Committee which I was just elected by my peers to chair, just like DPWH Sec Vince Dizon, maybe I also need to do a simultaneous internal cleansing while buckling down to work,” dagdag niya.
Ani Lacson, mahalagang tiyakin na malinis ang komite dahil inatasan itong magbantay ng maling gawain lalo na sa gobyerno.
Pinamunuan ni Lacson ang internal cleansing ng Philippine National Police noong siya ang hepe nito mula 1999 hanggang 2001, kung saan libong pulis ang tuluyang sinipa sa serbisyo.
Sa pagdinig ng Kamara nitong Martes, sinabi ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez na tumanggap si Estrada ng kickback mula sa P355 milyon ng alokasyon.
Ipinakita ni Hernandez ang mga larawan ni Estrada kasama ang dating Bulacan first engineering district head na si Henry Alcantara — pati na rin ang screenshots ng mensahe na kinasasangkutan umano ng isang staff ni Estrada na tinukoy bilang Beng Ramos.
Sa pagtanggi sa mga paratang, sinabi ni Estrada na wala siyang staff member na nagngangalang Beng Ramos simula nang pumasok siya sa Senado noong 2004.
Paglilinaw ng Estrada, staff member ng Blue Ribbon Committee at dating kasintahan ng isa sa kanyang Senate staff si Ramos. (ESTONG REYES)
