MATAPOS segundahan ang testimonyang nagdadawit sa pangalan ng dalawang senador, nagpasaklolo sa Kamara ang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bunsod ng umano’y natatanggap na pagbabanta.
Sa pagdinig ng House Infra Comm, idinulog ni Enginer Jaypee Mendoza ang mga tawag at mensahe mula sa isang nagpakilalang “hitman” matapos kumpirmahin ang pagtanggap ng 30 percent kickback ng dalawang senador para sa pondong ibinaba para tustusan ang iba’t ibang proyekto sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Mendoza, isang mensahe ng pananakot ang kanyang natanggap sa Viber kasunod ng pagharap sa unang pagdinig ng Infra Comm hinggil sa mga ghost flood control projects ng DPWH sa nasasakupang distrito.
Nangyari naman umano ang pangalawang pagbabanta kaninang umaga — bago magsimula ang ikatlong pagdinig ng Infra Comm.
Aniya, isang tawag naman ang kanyang natanggap sa telepono.
“Last September 1 po, may nag-message sa viber, ang naka-name ay ‘Hitman.’ Tapos ngayon po, bago ako magsalita, tumatawag na naman siya,” ang paglalahad pa ni Mendoza sa investigating panel na pinamumunuan ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon.
“Kung baga sana,‘yung ina-ask ko po na security ay asap na po sana sir… pwede pong masama din rin yung family ko po,” hiling naman niya.
Bilang tugon, sinabi ni Ridon na hindi binabalewala ng Kamara ang pagsisiwalat ni Mendoza, kasabay ng pangakong para sa kaukulang aksyon.
Nauna rito, kinatigan ni Mendoza ang naging pagbubunyag ni Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez na pagtanggap nina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva ng 30 percent na kickback sa flood control projects sa Bulacan, na aabot sa halos P1 billion. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
