
SA paglisan ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), asahan ang pagsibol ng mga bagong dorobo, babala ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos mabisto ang bentahan ng mga SIM cards na gamit sa panloloko.
Kabilang di umano sa mga binebentahan ang mga kakuntsabang Pinoy na pasok sa sindikato ng financial fraud, text scams at iba pang modus operandi, maging yaong mga tinaguriang loan sharks sa likod ng ilang online lending apps.
“Alam nila nagsasara na ‘yung mga POGO so yun ang source nila ng mga SIM cards,” wika ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz.
“Ang singilan diyan P500 ang bawat isa na SIM na meron nang fake identities,” dagdag ni Cruz.
Paglilinaw ni Cruz, pawang legit ang mga SIM cards na nabili ng mga illegal POGO operators sa mga lokal na telecommunications company – at nairehistro alinsunod sa SIM Registration Act, pero walang katiyakan totoong tao ang nakatala sa proseso ng pagrerehistro.
Ayon sa PAOCC chief, unti-unting nababawasan ang bilang ng mga reklamo ng ng text scam mula nang ihayag ni Pangulong ferdinand marcos Jr. ang POGO ban sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Hulyo.