
ARESTADO ang sinasabing big-time onion smuggler sa Batangas, ayon sa bagong talagang Agriculture Secretary Francisco Sec Kiko Tiu Laurel, Jr.
Noong Miyerkoles ng bandang alas-3:00 ng hapon, inaresto si Jayson de Roxas Taculog sa paglabag ng Republic Act 10845, o ang batas na nagdedeklara sa large-scale agricultural smuggling bilang economic sabotage.
Walang pyansang ibinigay kay Taculog si Presiding Judge Edilu Hayag ng Manila Regional Trial Court Branch 26.
“Umpisa pa lang si Taculog. Sa tulong ng pulis, korte at lokal na pamahalaan, patuloy na tutugisin ng Department of Agriculture ang mga smuggler at sumasabotahe sa ating sektor,” sabi ni Tiu Laurel.
Gumamit umano si Taculog ng pekeng import permit at shipping documents. Bukod sa hindi pagbabayad ng buwis, kinasuhan din ang suspek ng misclassification, undervaluation, o misdeclaration ng import entry at revenue declaration na isinumite ng Bureau of Customs.
Nagsisilbi rin umano si Taculog bilang broker.