Ni Estong Reyes
INIIMBESTIGAHAN ng tanggapan ni Senador Risa Hontiveros ang pagbebenta ng Philippine passport sa dayuhan partikular ang Chinese nationals sa halagang P500, 000 na pawang malaking banta sa pambansang seguridad.
Ibinulgar ni Hontiveros ang naturang impormasyon matapos nitong pasalamatan si
Ombudsman Samuel Martires na iniimbestigahan din ng anti-graft body ang pagbibigay ng Philippine passports sa dayuhan.
“We are currently looking into information that foreign nationals allegedly pay P500,000 per passport,” ayon kay Hontiveros sa statement.
“I trust that the Ombudsman will investigate this exhaustively and get to the bottom of the issue. Mukhang may mga ahensya ng gobyerno na kailangan maglinis ng bakuran kasi ang daming nagkakalat,” giit pa niya.
Nitong Martes sa deliberasyon ng badyet ng Ombudsman, sinabi ni Martires na pinag-aaralan ng ahensiya ang hinihilang pagbibigay ng lehitimong Philippine passports at government IDs sa foreign nationals.
Ayon sa Ombudsman, kanilang sinusuri kung sangkot ang corruption sa alegasyon.
Lumutang ang isyu sa pagbibigay ng Philippine passports sa foreign nationals sa ginanap na Senate plenary debates ng panukalang 2024 national budget habang natuklasan naman ang pagbibigay ng legitimate government IDs sa foreigners sa ginanap na Senate investigation sa POGOs.
“Philippine passports are NOT for sale. No foreign national should treat this official document as mere commodity. This is an offense to our Filipino identity, our history, and our national dignity,” ayon kay Hontiveros.
Noong nakaraang linggo, binawi ng Senado ang plenary approval sa panukalang 2024 budget ng Philippine Statistics Authority hinggil sa pagbibigay ng authentic birth certificates sa foreign nationals.
Ayon sa opisyal, may ilang dayuhan ang nagkukunwaring Filipino sa pamamagitan ng presentasyon ng authentic at genuine PSA birth certificate, kasama ang ilang valid government-issued ID cards na tinatanggap sa passport application.”
Sinabi ng PSA na nakatakda silang pagsagawa ng sariling imbestigasyon sa pagbibigay ng authentic birth certificates sa foreign nationals kaya nakakakuha ng Philippine passports.
Iniimbestigahan din ng National Bureau of Investigation at APO Production Unit, na may mandato sa pag-imprenta ng pasaporte ang naturang isyu.
Nitong Lunes, nanawagan sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Hontiveros sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Security Council (NSC) na iimbestigahan kung paano nakakakuha ng Philippine passports, official government IDs at documents ang mga dayuhan dahil malaking banta ito sa pambansang seguridad.