Ni Estong Reyes
IKINABAHALA ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel ang maling impormasyon hinggil sa bilang ng mahihirap na mamamayan na ipinadala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Palasyo.
Ginagamit ng Palasyo ang lahat ng datos na ibinibigay ng partikular na ahensya sa paglikha ng patakaran at implementasyon ng batas upang mapahusay ang pamahahala sa bansa.
Sa kanyang interpelasyon sa badyet ng DSWD, sinabi ni Pimentel na lubhang nakababahala ang “inaccurate poverty data” na ibinigay ng administrasyon taliwas sa ginamit sa unang State of Nation Address (SONA) kamakailan.
Isinasiwalat ng chief executive ang datos na ibinibigay ng bawat ahensya sa kahilingan ng Palasyo sa ilang panukalang batas na makabubuti sa bansa.
“Kawawa kasi ang Presidente rin. Sa State of the Nation Address niya he mentions figures,” ayon kay Pimentel.
Sa SONA, nangako si Pangulong Bongbong Marcos Jr., na ibaba ang poverty rate sa single digit sa pagtatapos ng kanyang termino.