SA halip na sumipa ang employment rate sa bansa bunsod ng “bunga” ng mga biyahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t-ibang panig ng mundo, mas dumami pa ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas.
Sa datos na ibinahagi ng Philippine Statistics Authority (PSA), sumipa sa 4.7 percent ang unemployment rate noong buwan Hulyo – mas mataas kumpara sa 3.1 percent unemployment rate noong Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ayon sa PSA, 47.7 milyong Pinoy na nasa hustong gulang ang may pinapasukang trabaho – mas mababa kumpara sa 50.28 milyong may trabaho noong Hunyo.
Ang pagtaas ng unemployment rate, o ang dami ng mga walang trabaho’t naghahanap ng mapagkakakitaan kumpara sa dami ng mga taong may trabaho at gustong magtrabaho, ay nangyari sa kabila ng pagliit ng tinatawag na labor force participation rate.
Ayon sa PSA, ang labor force participation rate ay nasa 50.07 milyon na lamang noong Hulyo kumpara sa 51.9 milyon na naitala noong Hunyo.
Pinakamataas ang unemployment rate sa National Capital Region na nasa 6.5% at pinakamababa naman sa Cordillera Administrative Region na nasa 97.7%.
Pinakamarami ang nabawas na trabaho sa wholesale at retail trade kasama na ang repair ng mga sasakyan, sumunod ang manufacturing.
Marami rin ang nawalan ng trabaho sa accommodation service at mga karinderya at iba pang food service, gayundin sa iba pang mga service activity tulad ng laundry at computer repair, at transportation and storage.
