
PARA kay Senador Bong Go na kilalang kaalyado at malapit na kaibigan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte, ginawa lang ng retiradong dating punong ehekutibo ang trabahong kalakip ng mandato.
Ayon kay Go, angkop lang na protektahan at ng Kamara at ni Pangulong Ferdinand Marcos ang ambag ng dating lider sa Palasyo sa larangan ng kaayusan sa mga lansangan.
Partikular na tinukoy ni Go ang giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, na aniya’y nagbigay muli ng pakiramdam ng kaligtasan sa mga mamamayang lubos na apektado sa paglaganap ng krimen bunsod ng droga.
Pinasalamatan rin ng senador si dating Pangulo at ngayo’y House Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa inihaing House Resolution 780 na humihikayat sa Kamara na depensahan ang dating Pangulo laban sa pag-uusig ng International Criminal Court.
“Unang-una, nagpapasalamat po ako kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa mga kasamahan niya sa Kongreso sa patuloy na tiwala at suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Go sa talumpati bago nagpamahagi ng ayuda sa mga pamilyang apektado ng naganap na sunog kamakailan sa Quezon City.
Kasunod ng awtorisasyon ng ICC para sa Office of the Prosecutor na ipagpatuloy ang pagsisiyasat nito sa giyera kontra droga ng bansa sa ilalim ng nakaraang administrasyong Duterte, iginiit ni Go na kumilos lamang si dating Pangulong Duterte para sa ikabubuti ng bansa, ng mga mamamayan nito, gayundin upang protektahan ang kinabukasan ng mga kabataan.
“Ako po bilang naging parte po ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte bago ako naging senador, alam ko naman po na ginawa lang po ni Pangulong Duterte ang kanyang sinumpaang tungkulin para po sa kaligtasan ng ating mga anak. Alam n’yo, ginawa n’yo po ang sakripisyo para po ‘yon sa future ng ating mga anak,” paliwanag ng mambabatas.
Hirit pa niya, ang mga mamamayang Pilipino at hindi ang ICC ang nararapat humatol sa resulta ng giyera kontra droga ni Duterte.
“Kayo na po ang humusga. Kung mas nakakalakad ba kayo sa gabi na hindi nababastos ang inyong mga anak at hindi nasasaktan. Ginawa po ni (dating) Pangulong Duterte ang lahat ng kanyang makakaya at sakripisyo para po sa kinabukasan ng ating mga anak,” aniya pa