November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

DATI PEKENG APPOINTMENT, NGAYON PEKENG DIREKTIBA

NI ANGEL F. JOSE

PEKENG appointment, pekeng Undersecretary – at ngayon pekeng memorandum circular naman ang target talupaan ng Palasyo.

Partikular na tinukoy ng Presidential Communication Office Sec. Cheloy Garafil ang pagkalat ng impormasyon sa mga tanggapan ng pamahalaan. Ani Garafil, fake news ang direktibang di umano’y pagbabawas ng dalawang araw na sahod sa hanay ng mga empleyado sa gobyerno.

Wala din aniyang Memorandum Circular na pinirmahan si Executive Secretary Lucas Bersamin, kasabay ng giit na hindi kalakaran sa gobyerno ang kaltasan ang sahod ng mga empleyado para makalikom ng pondong donasyon sa mga biktima ng magnitude 7.8 lindol sa mga bansang Turkey at Syria.

Paliwanag ni Garafil, walang logo ng Malakanyang ang kumakalat na memorandum circular. Wala rin aniyang memo circular number at peke ang lagda ni Bersamin sa nasabing dokumento.

Pagtityak ng opisyal, walang dudang tumutulong ang pamahalaan na una nang nagdispatsa ng humanitarian team sa Turkey. 

Pinag-aaralan na rin aniya ng pamahalaan ang iba pang paraan para makatulong sa mga apektadong bansa.