PARA kay Senador Bong Go, napapanahon ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Executive Order 74 na hudyat ng pagwawakas ng offshore gaming operations sa bansa.
Gayunpaman, isang panawagan ang paabot ni Senador Go sa mga ahensyang inatasan ipatupad ang total ban ng POGO sa bansa — sagasaan lahat, at tiyaking walang lalampasan sa agresibong pagsasara ng aniya’y establisyementong higit pa ang dalang perwisyo kesa benepisyo sa mga Pilipino.
“At ako po’y mismo noon pa, against po ako sa POGO. Pag apektado na po ang peace and order, for the record, ayaw ko talaga ng POGO. Lalung-lalo na po kapag naghahasik na po sila ng lagim,” wika ni Go.
“Kapag compromised na po ang peace and order, ako mismo ayaw ko po,” dugtong ng senador.
Bago pa man lumabas ang EO 74, nagpasa ng rekomendasyon ang Senate Committee on Ways and Means na nagtutulak sa pagbabawal at pagdeklarang iligal ang lahat ng offshore gaming operation sa bansa.
“Napapanahon na para tuluyan nang matigil ang POGO sa bansa. Matagal na nating sinasabi na mas mahalaga ang kapakanan at seguridad ng bawat Pilipino. Hindi natin hahayaan na ang kapayapaan sa ating bayan ay sirain ng mga iligal na aktibidad,” ani Go, kasabay ng giit sa pamahalaan na tiyakin walang sasantuhin, walang pipiliin at walang hahayaan maiwan maski isa.
“Kapag sinabing total ban, dapat walang maiiwan. Huwag tayong magpabaya, lalo na kung kaligtasan at kapakanan ng mamamayan ang nakataya.”
